Monday, November 30, 2009

IBA TALAGA ‘PAG DOUBLE-TIMER

“You got the best of both worlds.”
Kung magkasabay na mundo sa entablado at mundo ng isang normal na tinedyer ang tinutukoy rito ni Miley Cyrus, isang sikat na aktres at mang-aawit, masasabi ko namang mundo ng probinsya at siyudad ang mga mundong kinalakihan ko.
Isinilang ako sa hospital ng Manila, para lamang palakihin sa probinsya ng Laguna. Dala marahil ng kahirapang kinagisnan at kinalakihan sa Manila, ang mga magulang ko na laking Manila din ay pumiling manirahan sa probinsya, kung saan simple, payapa at maayos daw ang pamumuhay. Baligtad na pananaw naman ang mahihinuha mula sa mga ninuno at matatandang kamag-anak ko na s’yang lumaki sa iba’t ibang probinsya. Kakaiba ‘di ba?
Mula sa Nueva Ecija ang lolo ng tatay ko (Rod). Nagngangalang Andoy Fernando, napang-asawa niya ang magandang lola ni tatay na taga-Cavite sa pangalang Candida. Mula sa kanilang pagsasama, nabuo si Lolo Bayani. Mula naman sa mahiwagang pagtatagpo nila sa Sta. Mesa, Manila, naging asawa naman ni Lolo Bayani si Lola Sisang na may amang taga-Bulacan at inang taga-Pampanga sa pangalang Lola Pilomena. Sa apat na anak ni Lolo Bayani at Lola Sisang, tanging si ama lamang ang pumiling mahirahan sa probinsya.
Sa panig naman ni nanay (Beth), ang mandaragat na si Lolo Lelot na taga-Tondo ay nakapangasawa kay Lola Marciana, ang tanging lola ko sa tuhod na isang Bisaya. Sa kanilang pag-iisang dibdib, nilangoy ng sanggol na si Lola Saling (Rizalina) ang dagat ng buhay at ang dagat ng Tenement Tondo na mahihinuhang malinis pa noon. Masasabi ding may dugong Intsik na dumadaloy sa dugo ko, dulot ng paghahalo ng dugo ni Lola Saling at kalahating Tsinong si Lolo Lando (Rolando) na may inang purong Intsik (Lola Juliana Sy) at amang taga-Bulacan (Lolo Eustaquio Dalisay). Bunga ng kanilang pagmamahalan, walong anghel ang isinilang sa mundo ng lungsod – apat na babae at apat na lalaki. Sa walong ito, dalawa lamang ang pumiling manirahan sa probinsya, at isa na rito si ina.
Hindi ako nagsisising tumaliwas sa tradisyon ng pamilya na manatili sa siyudad ang aking mga magulang. Lumaki ako nang maayos at payapa sa Laguna, at nagkaroon ng masasayang ala-ala. Ipinagpapasalamat ko din ang pinagmulan ng mga magulang ko. Dahil sa madalas namin na pagbisita sa lungsod, hindi rin maiiwasang marami kaming modernong ideya at materyal na nai-uuwi doon. Mas marami kaming pinagpipiyestahan, pinagbabakasyunan at pinagpapaskuhan.
Hindi ko tuloy maiwasang maikumpara ang aking sarili kay Miley Cyrus (a.k.a. Hannah Montana), “I got the best of both worlds, too.” Iba talaga ‘pag double-timer.

Monday, November 16, 2009

Dugo sa ilong

Tuwing binabasa ko ang Matanglawin at Heights, nagdudugo ang ilong ko.

Napakagaling nilang magsulat, lalo na sa Wikang Filipino. At hindi natin maitatanggi na napakalalim din ng kanilang mga bokabularyo. Nosebleed ang kanilang mga salita - mga salita na parang noon ko pa lang unang nakita. Isang beses ay pumunta na lang ako sa library at kinuha ang napakalaking diksyunaryo ng Tagalog upang mabigyang katuturan ang mga hindi ko naiintindihan.

Nalula ako. Karamihan sa mga salita dito ay hindi ko pa nakikita sa tanang buhay ko. At doon ay nagkaroon ako ng epiphany - hindi pala ako tunay na Pilipino. Isa lamang akong taong nagpapanggap na maging Pilipino na wala namang nalalaman sa sariling wika. Dahil sa maging sa mga teksto, kwento at maging mga nobela, mabibilang lamang ng mga daliri ang mga nabasa ko sa Filipino. Samantala, kay dami na ng mga natapos kong nobela sa Ingles, mga napanood kong mga banyagang pelikula, at kay dami na rin ng mga manga at anime sa Hapon na sinubaybayan ko. Sa mga telenovelang Filipino, wala akong alam ni isa. Iilan din lang ang mga alam kong pelikula, at ang ilan pa sa iilang mga ito ay ni-require pang panoorin ng dati kong mga guro.

Tuloy, tuwing nakakakita ako ng mga ganitong pahayagan, nakokonsensya ako na sa tinagal-tagal ko sa paninirahan dito sa Pilipinas, hindi ko pa rin tuluyang kilala ang aking pagka-Pilipino, lalo na sarili kong wika, tulad ng karamihan din sa ating mga kabataan ngayon.

Bilang isang Pilipinong isinilang sa Pilipinas na ama ay Pilipino at ipinanganak ng inang Pilipina, dapat ba talagang magdugo ang ilong ko tuwing nakakabasa ako ng mga hindi maintindihang aklat at malalalim na salita? Hindi ba’t dumadaloy naman talaga ang dugo sa ugat at hindi sa ilong?

Kung ako ay Pilipino … kung tayo ay Pilipino, hindi dapat magdugo ang ating mga ilong. Sa halip, dapat na mas lumakas, bumilis ang daloy nito… upang mabuhayan ang ating mga Pilipinong dugong-bughaw na unti-unti nang namamatay. Sa susunod na malalim ang Tagalog na ating binabasa, lagi nating pakaiisipin … “hindi na magdudugo ang ilong ko, hindi na magdudugo ang ilong natin.”